53

Mar 27, 2019 @ 16:54
By

Crackdown vs mga jaywalker sa Metro Manila, ilalarga ng MMDA

Upang mas maipatupad ang anti-jaywalking policy sa Metro Manila, napagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC) ang pagde-deputize sa mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa implementasyon ng traffic management codes at ordinansa para rito.

Ibig sabihin, maaari nang manghuli ang MMDA anti-jaywalking teams ng mga jaywalker o iyong tumatawid sa hindi tamang tawiran, hindi lamang sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila kundi maging sa mga Mabuhay lane.

Sa MMC meeting, napagkasunduan nina MMDA Chairman Danilo Lim at ng mga lokal na opisyal na isailalim sa seminar ang mga tauhan ng ahensya para maging pamilyar ang mga ito sa anti-jaywalking ordinances ng bawat siyudad.

Sa kasalukuyan, ang MMDA ay may sariling anti-jaywalking team na nagpapatupad ng polisiya.

Iniisyuhan ang mga lumalabag ng citation tickets na may multang P500.

Maaari namang magbayad o mag-community service ang mga mahuhuli.

Nakatakdang pirmahan ng mga Metro Manila mayor ang aprubadong resolusyon at ilalathala sa pahayagan bago tuluyang maipatupad.

Ang MMC na binubuo ng 17 na alkalde sa Metro Manila ay ang policy-making at governing body ng MMDA.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?