39

By

CPP-NPA nagbibigay ng maling impormasyon sa UNHRC – Albayalde

Pinagbintangan ng Philippine National Police (PNP) ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na posibleng nasa likod ng pagbibigay ng maling impormasyon sa United Nations Human Rights Council (UNHRC) dahilan upang hilingin nito ang imbestigasyon sa patayang nagaganap sa war on drugs sa bansa.

Ayon kay PNP chief General Oscar Albayalde, hindi imposible na CPP-NPA ang nasa likod ng pagsusubo ng mga maling impormasyon dahil mayroon silang mga koneksyon at bilang parte ng kanilang propaganda laban sa administrasyon.

“That’s possible. It’s because that’s part of propaganda also, ‘yung CPP-NPA is so against the Duterte administration now, so pwede,” pahayag ni Albayalde sa mga reporter sa Camp Crame.

Paliwanag ng opisyal, mayroong mga contact at koneksyon ang makakaliwang grupo upang maipluwensyahan ang UN na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa extrajudicial killing sa war on drugs sa bansa.

Dagdag pa ni Albayalde, hindi aabot sa 50 taon ang CPP-NPA kung walang malalaking koneksyon.

“Alam naman natin na may other sectors in our society, in our community that are secretly funding and supporting this underground movement. Hindi magiging 50 years na problema natin ito kung walang suporta ito,” paliwanag pa ng opisyal.

Ang pahayag ni Albayalde ay base sa pagkakapasa ng resolusyon ng UNHRC na paimbestigahan ang mga namatay sa war on drugs ng administarsyong Duterte na umaabot umano sa 22,000 katao.

Kinontra naman ni Albayalde ang pahayag ng UN dahil sa sobrang dami ng nasawi sa nakuha nilang impormasyon, ang totoong bilang lang umano ng mga napatay sa panlalaban sa kampanya sa war on drugs ay aabot lamang sa mahigit sa 6,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?