39

Jan 24, 2020 @ 16:44
By

CPP hinimok ang mga kaalyado: Taal evacuees tulungan

Hinikayat ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang “sambayanang Pilipino at lahat ng rebolusyonaryong pwersa” upang magkaisa at tumulong sa mga nakaligtas at naapektuhan sa pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa kanilang pahayag nitong Miyerkoles, Enero 22, nagbigay-instruksiyon ang Partido sa mga tutulong sa mga bakwit sa Calabarzon.

“Ang mga rebolusyonaryong pwersa sa Batangas at Southern Tagalog na kaanib ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay maaaring magkoordina ng mga pagtulong upang tiyakan na lahat ito’y direktang mapupunta sa mga tao,” wika ng CPP.

“Ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ay maaaring magbuo ng mga pangkat para magbigay ng serbisyong medical at psycho-social sa mga nangangailangan,” lahad pa nito.

Gayundin, nakikidalamhati umano ang CPP sa mga mangingisda, magsasaka at mga manggagawang bukid na napwersang lumipat sa mas ligtas na mga lugar bunsod ng pagsabog ng bulkan.

“Ang kalamidad ay pumatong sa matagal nang mga problema sa ekonomya tulad ng mababang presyo ng mga ibinebentang pananim at huling isda, lubhang di pantay na kaayusan sa pag-aalaga ng manok, baboy, baka at iba pa,” sabi pa ng Partido.

Sa situationer report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon, nasa 336.369 katao o 86,214 pamilya na sa Calabarzon ang naapektuhan sa pag-alburoto ng Bulkang Taal.

Samantala, nakataas pa rin sa alert level 4 ang bulkan ngayong Biyernes, Enero 24, na nangangahulugang inaasahan pa rin ang mapaminsalang pagsabog sa loob lang ng ilang oras o araw.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?