18

Jul 22, 2021 @ 17:28
By

COVID patients sa ospital tumataas – PCP

Muling umanong tumataas ang mga naitatalang kaso ng COVID sa mga ospital, ayon sa pahayag ng Philippine College of Physicians (PCP) nitong Huwebes.

Sa panayam ng dzBB kay PCP president Dr. Maricar Limpin, sinabi nito na dumadami ang naitatala nilang bilang ng mga pasyente na sinusugod sa mga COVID emergency room.

“Medyo nararamdaman na talaga namin ‘yung pagtaas ng mga kaso, lalong lalo na starting mga latter part of last week, nag-umpisa na medyo napansin naming dumadami. Maski hanggang linggong ito ay medyo mas marami talaga,” wika ni Limpin.

Ang ikinababahala pa niya, marami pa rin silang naitatalang kaso ng virus sa mga health worker.

“Eventually po, ‘pag talagang masyadong marami ‘yung kaso tapos apektado rin ‘yung mga healthcare workers natin… magkakakulang-kulangan na naman po ‘yan pero as usual kami naman po ay magre-respond diyan,” pahayag ni Limpin.

Para sa kanya, dapat ibalik ang paghihigpit ng mga protocol lalo pa’t nakapasok na sa bansa ang mas nakakahawang Delta variant.

“Kailangan po tayong medyo maghigpit. Unang una kasi, marami din po tayong mga gaps sa pag-contain nitong pandemic at isa po ‘yung transportation,” dagdag pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?