17

Jan 28, 2021 @ 20:16
By

COVID-19 vaccine sa mga manggagawa, mabisang ayuda – Villanueva

Madali umanong makakabangon ang lugmok na ekonomiya kung agad na magiging available ang COVID-19 vaccine para sa mga manggagawang Pinoy, ayon kay Senador Joel Villanueva.

Dahil bumagsak ang ekonomiya sa 9.5 porsiyento, sinabi ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, na dapat humimok ang gobyerno na pabilisin ang pag-rollout ng bakuna sa bansa.

“Tanging ang vaccination program po ang masasabi nating pinakamalaking economic stimulus na kailangan ng ating bayan. Wala pong trabahong malilikha kung hindi agad maipatutupad ang pagbabakuna,” pahayag ni Villanueva.

“Mabilis manunumbalik ang kumpiyansa at sigla ng ating ekonomiya kung mapapabilis natin ang pagtuturok ng mabisa at epektibong bakuna sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito sa kanyang statement.

Binigyang-diin pa ni Villanueva, ang agarang pagbabakuna sa mga manggagawa ay magbibigay ng katiyakan sa muling pagsigla ng ating ekonomiya.

Muling iginiit nitong isama sa priority list ng mga mababakunahan ang mga essential worker, maliban sa mga manggagawa sa health at security sector.

“Kapag magagarantiyahan natin na ligtas ang mga lugar-paggawa, tatanggalin po natin ang isa sa mga pinakamalaking balakid sa productivity ng ating mga manggagawa. Kabilang na rin po dito ang pagsisigurong ligtas ang ating mga pampublikong transportasyon,” ani Villanueva.

“Kung may mga kababayan tayong nangangamba na si Covid ay nakaangkas or nakasabit, patuloy pong mababalot sa takot ang mga manggagawa at mga mamimili na lumabas. Babangon po ang ekonomiya kung may bakuna. Ang bakunang itinuturok po ang pinakamabisang ayuda,” wika pa nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?