14

Feb 23, 2021 @ 20:25
By

COVID-19 vaccine card hindi requirement sa mga transaksiyon – Tolentino

Tiniyak ni Senador Francis Tolentino na hindi magiging mandatory requirement sa anumang transaksiyon ang COVID-19 vaccine card na i-iisyu sa kanila ng mga local government unit (LGU).

Isinulong ni Tolentino ang anti-discriminatory amendment na ito sa deliberasyon ng Senado Bill No. 2057 o panukalang Covid-19 Vaccination Program Act of 2021 na naglalayong pabilisin ang pagbili ng COVID-19 vaccine at pagtatag na national indemnity fund.

“LGU-issued cards shall not be considered as an additional mandatory requirement for educational, employment, and other similar government transaction purposes,” bahagi ng amendment na itinulak ni Tolentino.

Sabi pa nito, ang amendment na ito ay magiging “safeguard” o pananggalang ng mga estudyante, regular employees, mga magsasaka, overseas Filipino workers at iba pa mula sa diskriminasyon kahit na wala silang COVID-19 vaccine cards.

Sa ilalim ng panukala, ang local government units (LGUs) ay exempted sa ilang procurement rules sa ilalim ng kasalukuyang batas sa pagbili ng bakuna para sa kanilang mga constituent.

Nakasaad din dito na pinapayagan ang LGUs na gumawa ng advance payment na hindi lalagpas sa 50 porsiyento ng contract price kung ito required ng supplier, manufacturer, distributor, contractor o consultant.

Sa ilalim ng Government Procurement Reform Act, pinapayagan lang nito ang advance payment na katumbas sa maximum na 15 porsiyento ng halaga ng government-financed projects.

Bukod sa pagpapabilis ng pagbili at administrasyon ng bakuna sa bansa, layunin din ng panukala na magbuo ng Covid-19 National Indemnity Fund para mabayaran ang sinumang indibidwal na nabakunahan at nakaranas ng masamang epekto o side effect o hindi kaya’y namatay dahil dito.

Maglaan ng kabuuhang P500 milyon na kukunin sa Contingent Fund ng 2021 General Appropriations Act na idadagdag sa existing fund ng Philippine Health Insurance Corporation bilang administrator ng indemnity fund. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?