Hindi totoong nahulaan ang coronavirus disease (COVID-19) sa isang horror novel ni American author Dean Koontz noong 1981.
Sa nobelang “The Eyes of Darkness” ni Koontz na tungkol sa isang ina na nag-iimbestiga sa misteryosong pagkamatay ng kanyang anak, nabanggit ang “killer virus” na “Wuhan-400.”
Dinebelop din umano ang Wuhan-400 sa RNA labs sa labas ng Wuhan.
Magugunitang sa Wuhan City, China nagmula ang virus outbreak.
Bagaman totoong pahina ang mga iyon mula sa nobela, sa fact-checking ng Australian Associated Press (AAP) nalaman na galing sa dalawang edition ng naturang libro ang mga pahina: noong 1981 at 1989.
Sa 1981 edition ng libro, sinabing dinebelop ang virus sa mga laboratoryo sa labas ng Russian city na “Gorki,” kaya tinawag na “Gorki-400” ang kumalat na virus.
Sa 1989 edition naman, kung kailan patapos na ang Cold War sa pagitan ng Russia at US, pinalitan na ang pangalan ng virus tungong “Wuhan-400,” mula sa Wuhan, China.
“Wuhan, an industrial centre for most of China’s history, is also home to the Wuhan Institute of Virology,” wika ng AAP.
Sabi naman ng fact-checking website na Snopes, “nothing more than a coincidence” lang ang pagbanggit sa “Wuhan-400” sa 39-anyos na libro.
Isa sa binanggit nilang pagkakaiba ay merong 100% fatality rate ang “Wuhan-400” sa libro, habang nasa 2% ang kasalukuyang fatality rate ng COVID-19.