10

Jul 31, 2020 @ 12:23
By

COVID-19 data minadyik ng DOH – Pangilinan

Nanawagan si Senador Francis Pangilinan sa Department of Health na maging transparent sa pag-uulat sa kaso ng COVID-19 sa bansa at tigilan na ang pagdodoktor sa kanilang datos para palabasin na nananalo ang gobyerno sa giyera kontra pandemya.

“May himala ba? May madyik? Ang mga doktor, dapat nagpapagaling sa pasyente, hindi nangdudoktor ng numero at impormasyon,” pahayag ni Pangilinan.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos iulat ng DOH na nakapagtala sila ng record-high sa mga nakarekober na umano sa 38,075 sa isang araw lang dahil sa “enhanced data reconciliation efforts” ng local government units.

Sabi ng DOH, ang reconciliation activity ay ang “mass recovery adjustment” kung saan ang mild at symptomatic cases ay ikonsidera nang nakarekober o gumaling na sa virus.

Pero hindi kumbinsido dito si Pangilinan at iginiit na ginugulo lang ng DOH ang COVID019 data sa pamamagitan ng pagsama sa mga mild patient sa mga pasyenteng talagang nakarekober na.

Aniya, ang bagong interpretasyon ng DOH sa nasabing datos ay delikado dahil maghahatid ito ng “false sense of security’ sa mga pasyente kung saan iisipin ng mga ito na magaling sila kahit hindi na dumaan sa swab test.

“Makakapanghawa at mas maraming magkakasakit pag ang maysakit ay tinawag na ‘recovered’ kung hindi naman ito na-test. Patayin ba ang taumbayan ang gustong mangyari ng gobyerno?”tanong ni Pangilinan.

“Tama si Vice President Leni, ang unang hakbang para masolusyunan ang COVID-19 ay tama at kumpletong impormasyon sa lalong madaling panahon. We need accurate and complete data as soon as possible,” saad nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?