61

Oct 18, 2017 @ 14:00

Cover-up sa Castillo death, plinano ng Aegis Juris frat – MPD

Ibinulgar ng hepe ng Manila Police District na pinagplanuhan ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity ang cover-up kaugnay ng pagkasawi sa hazing ng UST freshman law student na si Horacio “Atio” Castillo III nung Setyembre 17.

Sa pagdinig ng Senado, sinabi ni MPD director C/Supt. Joel Coronel na nagpulong sa private room ng Novotel sa Araneta Center sa Cubao, Quezon City ang 19 na mga myembro ng fraternity.

Ang 19 ay kabilang sa 30 natunton na fraternity members batay sa kumalat na screenshot ng kanilang pag-uusap sa isang social media chat room.

Ipinakita ni Coronel sa Senado ang CCTV footage ng hotel kung saan ipinakita ang pagdating ng mga myembro ng fraternity.

Kung isasandig aniya sa nakita sa chatroom ng fraternity members, pinag-usapan nila kung paano mapagtatakpan ang insidente at kung paano maiiwasan ang demandahan sa kaso.

Wala umanong plano ang mga ito na makiisa sa imbestigasyon taliwas sa public pronouncement ng fraternity noong Setyembre 19 na ibibigay ang kanilang full cooperation sa imbestigasyon.

“In light of the discovery of the chat message that was formed on Sunday, September 17, the objective of the Aegis Juris fraternity is to cover up, conceal, to avoid, and evade investigation and prosecution of this case,” ayon kay Coronel.

“It seems that the tendency of the fraternity is to conceal and obstruct justice,” dagdag ni Coronel.

Sa nagpapatuloy na pagdinig, dumating ang mga miyembro ng fraternity na pawang nagsangkalan ng kanilang right against self-incrimination sa pagtanggi na sumagot sa tanong ng mga senador.

Dahil dito, binantaan na sila ng contempt at ipakukulong sa Senado o kaya ay sa Pasay City Jail, partikular si Arvin Balag, ang presidente ng fraternity. (Isaac Mendez)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?