288

Feb 3, 2020 @ 10:31
By

Corpuz, Dionisio nagkakaamuyan na

Hindi pa kumpleto ang roster ng Magnolia, pero ganito kaaga ay kuntento na si coach Chito Victolero sa pinapakita ng kanyang Hotshots sa ensayo.

Si dating TNT KaTropa forward Jessie Saitanan ang sumusubok na pumuno sa maximum 15-man lineup ng Hotshots

Unti-unti nang nakukuha nina newcomers Jackson Corpuz at Aris Dionisio ang sistema ng team. Si Dionisio ang nag-iisang first-round pick ng Magnolia noong nakaraang draft, nakuha si Corpuz sa trade sa Columbian kapalit ni Aldrech Ramos.

“Nag-eensayo na rin yung mga nakuha namin,” balita ni Victolero. “Nandun pa kami sa stage na gusto naming i-apply ang sistema dun sa mga bago, especially kay Corpuz at saka sa rookie namin, si Dionisio. Inaayos din namin yung chemistry ng team saka makuha ng mga bago.”

Inaasahang makakabalik na sa ensayo sina Rafi Reavis at Marc Pingris sa kalagitnaan ng buwan, dalawang linggo bago sumiklab ang 45th season ng PBA. Sumailalim sa appendectomy si Reavis, may back pains si Ping.

Uumpisahan na ng Hotshots ang tune-up games, una kontra Rain or Shine bukas.

“Every week na mga tune-up games namin and kung may babaguhin, siguro doon magkakaalaman,” dagdag ng coach. “Pero as of now, good to go na kami.”

Sinagad ng Magnolia ang San Miguel Beermen sa pitong laro sa Philippine Cup finals noong nakaraang taon. Sa decider, lumayo ng hanggang 17 ang Hotshots pero napakawalan at itinaas ng Beermen ang panlimang sunod na all-Filipino title.

Sa opening night ng 45th season sa March 1 sa Smart Araneta Coliseum, rematch agad sa lone game ang SMB at Magnolia.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?