72

Jan 27, 2020 @ 18:09
By

Coronavirus outbreak: Suspensiyon ng klase hindi pa kailangan – DOH

Walang pangangailangang magsuspinde ng klase sa bansa sa kabila ng pagkalat ng coronavirus sa iba’t ibang lugar.

Ito ang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III matapos magsuspinde ng klase ang ilang Chinese school sa Metro Manila bilang pag-iingat sa novel coronavirus na nagmula sa Wuhan City, China.

Sa Laging Handa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Duque na wala pa namang nakikitang pangangailangan ang kanyang ahensiya para magsuspinde ng klase sa mga paaralan.

“In so far as DOH is concerned, we’re not aware of the reasons why they decided to suspend classes. There really is no need as of now, there is no indication,” ani Duque.

Binigyang-diin ng kalihim na wala pang kumpirmadong kaso ng coronavirus sa Pilipinas at patuloy na binabantayan ang 11 katao na naunang isinailalim sa medical observation.

Makikipag-ugnayan aniya ang DOH sa mga paaralang nagsuspinde ng klase sa pamamagitan ng Department of Education para matalakay ang naging batayan sa kanilang naging aksiyon.

Sinabi naman ni DepEd Secretary Leonor Briones na bagama’t walang direktang kontrol ang kagawaran sa mga pribadong paaralan, pinaalalahanan ang mga ito na magpatupad ng make-up classes para makumpleto ang tamang school days sa isang taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?