287

By

Contract extension sa Maynilad, Manila Water i-terminate na – Go

Hinikayat ni Senador Christopher “Bong” Go ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na pag-aralan ang posibilidad na putulin na lang ang pagpapalawig ng kontrata sa Maynilad at Manila Water na aniya’y ‘disadvantageous’ sa gobyerno.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Go na kailangan nang i-renegotiate at i-rework ang kontrata na pinasok ng MWSS sa dalawang water firm noong 1997.

“I am also want the MWSS to explore the possibility of terminating the extension of the concessionaire agreement. The President might also ask that you do this eventually,” sabi ni Go.

Ayon sa mambabatas, masyado na umanong inabuso ng dalawang kumpanya hindi lamang ang tubig kundi pati na rin ang tiwala sa kanilang mga konsumer matapos ipasa sa kanila ang corporate income tax na dapat sana’y sila ang nagbabayad.

“Mantakin ninyo, wala na ngang binabayarang corporate income tax ang mga concessionaires na ito dahil pinapasa na sa mga consumer, pagbabayarin pa nila ngayon ang taumbayan at ang gobyerno?” ani Go.

“Ginigisa nila tayo sa sarili nating mantika. Pati mga apo natin hindi pa pinapanganak, kasama na sa magbabayad,” dagdag pa nito.

Sabi ni Go, patuloy umano ang pagtaas ng presyo ng tubig kahit na nabawasan ang konsumo ng publiko.

“In fact, in the last ten years, Manila Water increased tariffs by 36.4% even if consumption per connection was reduced by 17.4%. Matagal na ring nagtitiis ang ating mga consumer sa hindi magandang serbisyo sa tubig, tapos ngayon tataasan pa ang presyo?” sabi ng senador.

Inakusahan din nito ang Manila Water sa pagkontra sa ilang water improvement projects.

“Manila Water, through its ‘fixers,’ have continuously opposed several water projects that would improve our water systems. Why? So they could build their own water provider and raise prices anytime?” sambit nito.

Kinastigo din nito ang paniningil ng environmental charges sa mga konsumer subalit hindi naman nila inaayos ang kanilang mga pasilidad.

“Saan naman kayo nakakita ng kumpanya na hindi pa man naisasagawa ang mismong septic tank desludging nito, nangongolekta na sila agad ng ‘environmental charge’ sa kanilang mga consumer para rito. Ano ito: pay now, service never?” ani Go.

“Manila Water has yet to comply with its contractual obligation to provide for sewerage and wastewater treatment facilities in Metro Manila, which clearly constitutes a breach of the concession agreement,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?