31

Jul 23, 2021 @ 17:53
By

Contact tracing doblehin kontra Delta variant – Leachon

Inihayag ni Dr. Tony Leachon na hindi handa ang bansa sa Delta variant.

Ani Leachon sa “Balitaan at Kumustahan” ngayong July 23, dahilan ito ng mabagal na pagkilos at kawalan ng sense of urgency ng gobyerno upang solusyunan ang pandemya.

Problema umano ang kakulangan sa testing, contact tracing, maging ang genome sequencing na isinasagawa upang malaman ang uri ng variant.

Inaasahan niya na mas matindi ang dulot ng pinangangambahang surge ng Delta variant kumpara sa mga nauna rito.

Umaabot sa 40,000 hanggang 50,000 ang araw-araw na bilang ng kaso sa Indonesia na siyang itinuturing na bagong epicenter ng COVID sa Asya.

Ang variant na ito ay may reproduction number na 8, mas mataas kumpara sa normal na 1, at sa loob lamang ng ilang segundo o minuto, maaari na itong makahawa.

Mula sa .92, tumaas na sa 1.21 ang reproduction number ng NCR. Ito ay ayon sa ulat ng OCTA Research. Ikinabahala ito ni Dr. Tony Leachon, “Hindi magandang pangitain ‘yan.”

Iginiit niya ang kahalagahan ng contact tracing upang maibaba ang bilang ng positivity rate sa bansa na mahigit tatlong buwan nang naglalaro sa 11-12%, malayo sa less than 5% na benchmark.

“Alam natin na pag mataas ‘yun, ibig sabihin, ang degree of transmission natin mataas. Iyan ay bababa lang kung dodoblehin mo ang ating contact tracing. Pero ang nakalagay dun ang testing lagi 30,000, 40,000. Dapat diyan mga doble niyan. Dapat mga 80,000-100,000,” wika pa ni Leachon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?