123

Dec 17, 2017 @ 9:29
By

Construction worker tinarakan sa dibdib, patay

Nasawi ang isang 21-anyos na construction worker na hinihinalang napagtripan lang saksakin ng isang tripper nang makitang lasing na lasing na naglalakad, kamakalawa sa New Panaderos St., Punta, Sta. Ana, Maynila.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Sta. Ana Hospital ang biktimang kinilalang si Antero Hidalgo Jr. Y Trani, residente ng No. 2459 Decena st., Pasay City, sanhi ng saksak sa dibdib.

Sa imbestigasyon ni SPO4 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section (MPD-HS), naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng hatinggabi, kamakalawa sa tapat ng Petron gas station, sa New Panaderos St., sa imbestigasyon, kasama ng biktima ang isang Dennis Beltran , 21, kasamahang construction worker, na magkasamang naglalakad pauwi sa kanilang barracks mula sa pakikipag-inuman.

Sanhi ng sobra ding kalasingan ay hindi umano napansin ni Beltran na wala na sa tabi ang biktima at nagulat na lang nang may lumutang na lalaki sa kaniyang harapan na may hawak na balisong kaya sinubukan niyang habulin subalit mabilis umanong sumakay sa isang dyip na nakahimpil at biglang pinasibad ng isa pang lalaking nakaantabay sa manibela sa direksiyon ng Kalentong Market.

Hinanap niya ang biktima at nang mamataan ay sapo-sapo na ang kaliwang dibdib na duguan at natumba ito sa semento.

Itinakbo ni Beltran sa nasabing pagamutan ang biktima pero bigo na nang maisalba ng mga doktor. Inilarawan ang suspek sa taas na 5’6” hanggang 5’7”; payat, nakasuot ng ballcap, naka T-shirt, shortpants, at may hawak na balisong. (Juliet de Loza-Cudia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?