By

Cong. Mikee Romero, balik Kongreso na

Sharing is caring!

Pumasok na ulit sa Kamara si 1-PACMAN party-list Rep. Michael Romero matapos magtago ng halos isang taon dahil sa kasong qualified theft na ibinasura ng Court of Appeals (CA) noong nakaraang linggo.

Dumalo si Romero sa sesyon kahapon habang abala ang mga miyembro ng House committee on justice sa impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Binati si Romero ng mga kasamahang kongresista nang dumating sa session hall.

Ito ang unang pagpapakita ni Romero sa kapulungan matapos maglabas ng desisyon ang CA Fifth Division pabor sa kanyang petisyon na ibasura ang kasong qualified theft laban sa kanya at kay Felicia Aquino.

Sa 20-pahinang ruling na may petsang November 16, 2017 at pinonente ni Associate Justice Magdangal de Leon, walang nakitang probable cause ang korte laban kina Romero at Aquino sa nabanggit na kaso na non-bailable.

Matatandaang nakabangga ni Romero ang sariling ama at negosyanteng si Reghis Romero II sa isyu ng kontrol sa Harbour Center Port Terminal Inc., na nag-ooperate sa Manila North Harbor terminal.

Unang umapela si Aquino sa korte na sinundan ni Romero kaya na-consolidate ang kanilang kaso.

Ibinasura ng CA ang naunang desisyon ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Cicero Jurado Jr. sa reklamong inihain ng Harbour Center.

Dahil dito, nasantabi na rin ang warrants of arrest laban kina Aquino at Romero. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?