10
bjmp
By

Commitment order sa mga preso, pinamamadali ni Albayalde

Sharing is caring!

Nanawagan kahapon si National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief, Director Oscar Albayalde sa mga korte sa Metro Manila na pabilisin ang paglalabas ng ‘commitment order’ upang mailipat ang mga bilanggo na nagsisiksikan sa mga kulungan ng pulisya sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) o Bureau of Corrections (BuCor).

Ito ay makaraang sabihin ni Albayalde na nasa 40 preso na ang nasasawi sa iba’t ibang kulungan sa Metro Manila mula noong Hulyo 2016 dahil sa pagkakasakit dulot ng sobrang siksikan.

Karaniwang nasa 30 lamang ang kayang ilagay na mga preso sa detention cell sa mga istasyon ngunit umaabot sa higit 100 dahil sa dami ng nahuhuli lalo na sa iligal na droga at kabagalan umano na magpalabas ng ‘commitment order’ ang korte para mailipat sa mas malaking bilangguan ang mga huli.

Nitong nakaraang Miyerkules, isang inmate ng Pasay City ang nasawi habang anim pa ang nawalan ng malay habang dalawang bilanggo sa Parañaque at isa sa Caloocan City detention cell ang nasawi at tatlo ang hinimatay nitong nakaraang Martes dahil sa sobrang siksikan.

Sa Pasay City, may plano nang ilipat ang Pasay City Police kasama ang bilangguan sa mas maluwag na lugar na maaaring maumpisahan ngayong taon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?