22
abante-tnt-vismin-stamp
By

Commemorative stamps ng mga lumang simbahan, inilabas ng Philpost

Sharing is caring!

BILANG bahagi ng pagdiriwang ng National Heritage Month, inilabas ngayon ng Philippine Postal Corporation ang ang commemorative stamps o mga selyo na naglalarawan ng mga lumang simbahan sa bansa na mahigit apat na siglo nang bahagi ng kultura ng mga Pilipino.

Ang mga naturang pambansang pamana sa mayabong na kultura at kasaysayan ng Kristiyanismo sa bansa ay itinayo sa panahon ng mga Kastila na nanatiling nakatayo hanggang sa kasalukuyan.

May mga pagsisikap na mapangalagaan ang mga dambanang tulad ng pagsasawa ng mga exhibit at mga programang magbibigay kamalayan sa pambihira at mga hindi mapapalitang eklesiyastikong mga dambana.

Ayon kay Postmaster General Joel Otarra, katuwang ng PHLPost ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) at FUNtastic Philippines, isang grupo ng mga amateur at professional photographers na nagmula sa iba’t ibang lugar sa bansa at sa ibayong dagat na nagtulung-tulong upang maipakita ang natatanging ganda at arkitektura ng mga “Philippine Colonial Churches” na idinesinyo at inilagay sa selyo na maitituring na tagapagtala ng sining at kultura ng bansa.

Kabilang sa PHLPost Block of Four stamps ay ang mga simbahan sa panahon ng espanyol ay ang: San Matias Parish Church ng Sta Maria, Ilocos Sur (kuha ni Nelson C. Gonzales); Santa Monica Parish Church ng Pan-Ay, Capiz (kuha ni Bernadette Juson); Sta. Monica Parish Church na matatagpuan sa Minalin, Pampanga (kuha ni Richelli Ridon Castellano); at, Santa Catalina De Alejandria Church mula sa Tayum, Abra (kuha ni Ma. Remedios Sotto).

Naglabas din ang PHLPost ng Souvenir Stamps Sheets tampok ang San Carlos Borromeo Church (kuha ni Annabelle Casino Chavez) na kilala bilang Mahatao Church, na matatagpuan sa Batan Island, Batanes. Makikita rin sa selyo ang Santa Catalina De Alejandria Church (kuha ni Rolino C. Bucao, Jr.) o kilala sa tawag na Namacpacan Church, ng Luna, La Union; Nuestra Senora Del Patrocinio De Maria Parish Church (kuha ni Rolino C. Bucao Jr.) o kilala sa tawag na Boljoon Church sa Cebu; Nuestra Senora Dela Asuncion Church (kuha ni Richelli Ridon Castellano) o Santa Maria Parish Church, ng Sta. Maria, Ilocos Su; Nuestra Senora Dela Asuncion Church (kuha ni Remus Nicolas Doroon) o kilala sa tawag na Dauis Church na matatagpuan sa Dauis, Bohol; at, ang Santo Tomas De Villanueva Parish Church (kuha ni Rolino C. Bucao, Jr.) o kilala sa tawag na Miag-ao Church sa Iloilo. Ang San Agustin Church sa Intramuros Maynila ay makikita sa Official First Day Cover envelope.

Nag-imprenta ang PHLPost ng 80,000 kopya (20,000 piraso bawat disenyo) ng Block of Four Stamps na nagkakahalaga ng P12 bawat isa. May limitadong 5,000 kopya ng Souvenir stamps Sheet ang inilabas tampok rin ang mga lumang simbahan sa Pilipinas. Idinisenyo ni PHLPost in-house artist Vic Serevo sa tulong ni Judith Neric ng Filipino Heritage Festival Inc. ang mga selyo.

Mabibili na ang mga selyo, souvenir sheets at opisyal na first day cover sa Post Shop, Central Post Office, Door 203, sa Liwasang Bonifacio, Maynila at mga area post offices sa bansa. Para sa detalye, tumawag lamang sa 527-01-08 or 527-01-32.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?