36

Oct 4, 2017 @ 15:18

Comelec tigil na sa pagpapahanda sa barangay, SK elections

Iniutos na ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista ang pagpapatigil sa ginagawang paghahanda ng poll body para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ito ay makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10952 na nagpapaliban sa halalang pang-barangay sa Mayo ng 2018.

Ayon kay Bautista, umiikot na sa mga commissioner ng Comelec ang draft resolution para sa suspensyon ng mga aktibidad kaugnay sa nasabing botohan.

Magkagayunman, nagpalabas na rin umano siya ng memorandum na nag-aatas sa mga Comelec Field Office ng pagpapatigil sa ilang mga aktibidad na may kinalaman sa BSKE.

“Nag-en banc na kami meron na kaming ginawang draft reso suspending all the activities in connection with the elections. Umiikot na sa members of the En Banc. Although, nag-memo na ko sa field na i-suspend ang activities,” paliwanag ni Bautista.

Magkagayunman, magpapatuloy umano ang ilang mga aktibidad gaya ng pagtanggap at pagbusisi sa mga naimprentang balota para masuri kung nakatalima ba sa inilatag na mga panuntunan ng Comelec.

“But certain activities will still push through, like the reception and verification of the Ballot Committee, they will certify that the ballots printed eh walang depekto, lahat in accordance with the spec. Yun patuloy yun. Kasi babayaran namin ang NPO (National Printing Office),” dagdag ni Bautista.

Sinabi pa ni Bautista na nitong September 29, 2017, umabot na sa P840 million ang nagastos ng Comelec para sa nasabing botohan.

Sa mga susunod na araw, magpapalabas umano ang Comelec ng detalyadong pinaggastusan ng poll body para sa BSKE. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?