976

By

Comelec, Smartmatic binalaan ng Palasyo sa balak na pandadaya

Mahigpit na binalaan ng Malacañang ang Commission on Elections (Comelec) at maging ang contractor na Smartmatic na huwag gumawa ng labag sa batas sa eleksiyon sa Lunes.

Ang babala ay ginawa ni Presidential Spokesman Salvador Panelo bunsod ng mga natanggap na sumbong at impormasyon ng umano’y dayaan sa absentee voting ng overseas Filipino workers.

Sinabi ni Panelo na dapat mahigpit na bantayan ng Comelec ang kanilang trabaho para matiyak ang isang malinis, tapat at maayos na eleksiyon.

Maging ang Smartmatic na siyang may kontrol sa mga makinang gagamitin sa pagbilang ng mga boto ay winarningan ng Malacañang na gawing maayos ang trabaho dahil may mga inilatag na mga hakbang si Pangulong Rodrigo Duterte para malaman kung sino ang mga nandaya at kung paano dinadaya ang mga boto.

Sinabi ni Panelo na huwag nang subukan ang anumang planong mandaya ngayong eleksiyon dahil hindi mangingimi si Pangulong Duterte na parusahan ang mga mahuhuling gagawa nito.

“We would like to warn any personnel of the Comelec as well as the contractor, the Smartmatic, gawin ninyo ang dapat gawin na maayos in accordance with law, because the President has put in place measures and he will determine kung sino at papaano ninyo dinadaya ang eleksiyon,” ani Panelo.

“Kung meron man kayong mga balak huwag ninyong ituloy because the President will not tolerate it and the law will be thrown at them,” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?