15

Nov 22, 2021 @ 15:26
By

Comelec: Pasaway sa health protocol sa kampanya mananagot

Binalaan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kandidato na ang mga maitatalang paglabag sa health protocol sa gitna ng kampanya ay maituturing na election offense.

Ito umano ay sa bisa ng Comelec Resolution 10730 na inilabas nitong Nobyembre 17, kung saan isinama sa Fair Election Law para sa 2022 election ang pagsunod sa mga health protocol sa panahon ng kampanya.

Ang mga naturang health protocol umano na dapat sundin ay pagsusuot ng face mask at face shield, isang metrong social distancing, paghuhugas ng kamay at tamang pag-ubo at pagbahing.

“Any violation of Fair Elections Act and these Rules shall constitute an election offense punishable under the first and second paragraph of Section 264 of the Omnibus Election Code and other pertinent laws, rules and regulations, whenever applicable,” saad sa naturang resolusyon.

Bukod dito, ang pasaway na kandidato ay maaari ring madiskwalipika sa halalan o maging sa pagboto.

Gayunman, epektibo ang pagpapatupad nito sa campaign period, na para sa tatakbo sa national position ay mula Pebrero 8, 2022 hanggang Mayo 7, 2022 at mula Marso 25, 2022 hanggang Mayo 7, 2022 para sa tatakbo sa lokal na pwesto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?