63

Sep 26, 2017 @ 22:57

Comelec, nakaabang sa Barangay at SK elections postponement law

Umaasa si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista na malalagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ipinasang panukala ng Kongreso para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections bago sumapit ang Oktubre 1, 2017.

Sa nasabing petsa na magsisimula ang election period na tatagal naman hanggang Oktubre 30.

“We are hoping the President will sign the bill into law by October 1,” saad ni Bautista.

Nauna nang tinanggap ng Kamara de Representantes ang bersyon ng panukala ng Senado para sa pagpapaliban ng nasabing botohan kaya ang panukala ay hindi na dadaan pa sa bicameral conference committee at ito ay hihintayin na lamang na malagdaan ni Pangulong Duterte para maging ganap na batas.

Sa kabila nito, tatapusin pa rin ng COMELEC ang pag-imprenta ng mga balota na gagamitin sa Luzon at Visayas para sa Barangay at SK Elections.

“We will finish printing of ballots for Luzon and Visayas until the end of the month,” dagdag ni Bautista.

Tinukoy na noon ni Bautista na hindi masasayang ang iimprentang balota dahil maari pa rin itong magamit sa susunod na taon. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?