51
Comelec kinalampag ni Larrazabal ukol sa Smartmatic
Jun 3, 2019 @ 15:07
By

Comelec kinalampag ni Larrazabal ukol sa Smartmatic

Ngayon pa lamang ay dapat nang humanap ang Commission on Elections (Comelec) ng bagong technology provider para sa 2022 polls kung susundin nila ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na palitan na ang Smartmatic.

Ito ang sinabi ni dating Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal kung saan dapat na umanong magdesisyon ang Comelec hanggang Agosto para sa bagong provider para mailatag na hanggang Disyembre 2019 ang mga kasunduan.

Ayon kay Larrazabal, marami na ang nananawagan na palitan na ang Smartmatic kabilang dito ang mga kandidato ng nakaraang eleksyon gayundin ng iba’t ibang sektor.

Masyado na umanong malapit sa 2022 elections kung sa susunod na taon pa isasagawa ang pagpapalit ng technology provider.

Matatandaang inatasan ni Duterte ang Comelec na palitan na ang Smartmatic dahil sa puro reklamo ang nakukuha nito mula sa publiko tulad ng dayaan umano sa nagdaang midterm elections.

Nabatid na ang vote-counting machine ng Smartmatic ang ginamit noong 2016 elections kung saan nanalo sa pagka-pangulo si Duterte.

Muli itong ginamit noong nakaraang May 13 elections subalit umani ito ng mga batikos tulad ng hindi paggana ng VCM at pagkaantala ng transmission.

Sa kabila nito, aminado si Larrazabal na hindi na magagarantiyahan na wala nang magiging problema sakaling magpalit ng technology provider ang Comelec.

Aniya, hindi naman ang sistema ang problema kundi ang implementasyon ng pamamahala pagdating sa eleksyon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?