73

Oct 22, 2020 @ 19:17
By

Comelec gagamit ng lumang VCM para sa 2022 elections

Dahil sa budget cut, gagawin na lang na parang bago ng Commission on Elections (Comelec) ang mga dati nitong Vote Counting Machine (VCM) na gagamitin sa darating na halalan sa 2022.

Sa Senate hearing tungkol sa proposed P14.57 billion budget ng Comelec sa taong 2021, binanggit ni Senador Bong Revilla na kalahati lang ng P30 billion original budget request ng ahensiya ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.

Kaya naman tinanong ni Revilla kung anong magiging impact noon sa nalalapit na eleksyon.

“Unfortunately ‘di kami napagbigyan so ang fallback po doon is ire-refurbish na lang po namin ‘yung 2019 and 2016 na ginamit namin na mga VCM. Gagawin naming parang bago ‘yung mga machines na ‘yun,” sagot ni Comelec chairperson Sheriff Abas kay Revilla.

“Siyempre sa durability talaga namang mas maganda ang bago kasi nga naisip namin na presidential itong 2022, so mainam sana kung bago ang gagamitin natin. Pero sa functionality halos the same lang po. So, okay din naman po ‘yung refurbishment,” dagdag niya.

Sa kabila noon, ani Comelec Commissioner Marlon Casquejo, hihirit pa rin ng dagdag pondo ang poll body para sa pagbili pa ng VCM para maabot nito ang target na mabawasan ang bilang ng mga botante sa bawat clustered precinct.

“We can still conduct the elections despite the slash [in] the budget but still we are requesting for additional just to purchase additional machines para matugunan ‘yung 800 voters per clustered precinct,” wika ni Casquejo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?