23

Oct 12, 2017 @ 15:37

Comelec chair: Kahit palitan ako ni Duterte bukas, okay lang

Bagamat sa December 31, 2017 pa magkakabisa ang pagbibitiw sa pwesto ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista, wala raw problema sa kanya kung magpasya man si Pangulong Rodrigo Duterte na palitan siya kahit bukas.

Para kay Bautista, ang pag-impeach sa kanya ng Kamara de Representantes sa botong 137-75 ay pagpapakita ng kawalan ng respeto sa Pangulo.

Dapat daw kasi ay bigyan muna ng panahon ang pangulo na sumagot sa kanyang resignation letter.

“Kasi sa aking palagay, hindi yun paggalang sa ating pangulo. Dapat bigyan natin ng panahon ang pangulo na sumagot dun sa aking liham. Ako naman, palagi kong sinasabi hindi naman ako kapit-tuko sa posisyon,” saad ni Bautista.

Paliwanag pa niya, ang December 31 na petsa ng kanyang pagbibitiw ay target date para makapili si Pangulong Duterte ng ipapalit sa kanya.

“Kung sa kanyang pasya ay dapat na akong palitan bukas, okay lang sa akin. So, yung December 31 was like a target date to give time for the president to choose my replacement,” dagdag ni Bautista.

Aminado rin si Bautista na nabigla siya sa ginawang pagbaligtad ng plenaryo ng Kamara de Representantes sa nauna nang resulta ng botohan sa House Justice Committee na dalawang beses nang nagpasya na ibasura ang impeachment complaint laban sa kanya.

Sa kabila nito, nanindigan siya na handa siyang harapin ang articles of impeachment na isusumite sa Senado para sa gagawing impeachment trial. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?