69

Oct 23, 2017 @ 18:56

Comelec chair Andres Bautista, bumaba na sa puwesto

Nagpaalam na sa kanyang puwesto si Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista.

Kinumpirma mismo ni Bautista sa isang pulong balitaan na natanggap na niya ang liham mula sa Malacanang na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea at may petsang October 23, 2017.

Nakasaad sa liham na tinatanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pagbibitiw bilang Chairman ng COMELEC at ang pagtanggap na ito ng pangulo sa kanyang pagbibitiw ay magkakabisa sa lalong madaling panahon.

Para kay Bautista, nangangahulugan na kailangan na niyang lisanin kaagad ang kanyang pwesto.

“Natanggap na natin ang tugon ng Tanggapan ng Pangulo. Tinatanggap niyanang aking resignation effective immediately. Ang pasya ng pangulo ay ating iginagalang, ito ay ating tinatanggap,” saad ni Bautista.

Sinabi ni Bautista na ipinauubaya na niya sa anim na Commissioners kung sino ang kanilang itatalaga bilang Acting Chairman ng COMELEC na pansamantalang mamumuno sa poll body habang wala pang napipili si Pangulong Duterte na kapalit niya sa pwesto.

Pagsisilbihan ng makakapalit niya sa pwesto ang nalalabi niyang termino na hanggang February 2, 2022.

Tumanggi naman si Bautista na sagutin kung maituturing na bang “moot and academic” ang impeachment complaint laban sa kanya dahil ayaw niyang pangunahan ang magiging pasya ng Kamara de Representantes.

“The letter will speak for itself. I may sent a copy of the letter to the House of Representatives. I will notify them,” dagdag ni Bautista.

Sinabi pa ni Bautista na magkahalong emosyon ang kanyang nararamdaman sa pagbaba sa pwesto, malungkot dahil iiwan niya ang mga kawani ng poll body na napalapit na sa kanya, pero kasabay nito ay makakahinga na rin siya nang maluwag dahil nabawasan ang kanyang binitbitbit sa balikat.

“Mami-miss ko ang mga tao sa COMELEC. If ever I have regrets, it’s because of the people. Mabuti rin na mabigyan ng sapat na panahon ang magiging kapalit ko para matutunan niya ang trabaho,” dagdag ni Bautista.

Napaaga ang pagbaba ni Bautista sa puwesto dahil ang resignation letter na kanyang isinumite sa Malacanang ay magkakabisa pa sana sa December 31, 2017. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?