76

Nov 14, 2017 @ 18:34
By ,

Columbian, arestado sa nilunok na cocaine

Bigo ring naipasok sa bansa ng isang Columbian national ang nilunok na cocaine na nagkakahalaga ng P8.9 milyong matapos na mabuking ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) habang palabas sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa.

Kinilala ni PDEA-NCR Director Ismael Fajardo ang suspek na si Alberto Pedraza Quijano, 69, Columbian national.

Inaresto si Quijano sa NAIA Terminal 3, kamakalawa ng gabi dahil sa ibinigay na impormasyon ng US Homeland Security na magpupuslit ng droga sa bansa galing ng Brazil via Dubai.

Dinampot ng PDEA ang dayuhan nang mapansing balisa ito at nakita sa kanyang tiyan ang 79 rubber pellets ng droga nang isalang siya sa X-ray machine/examination.

Ayon kay Fajardo, umabot sa 24 na oras bago nag-umpisang ilabas ng dayuhan ang nilunok niyang rubber pellets sa Pasay General Hospital.

Sinasabing miyembro ng international drug syndicate si Quijano at modus niyang lunukin ang mga droga upang maipuslit ito sa bansa.

Nakakulong ngayon ang dayuhan sa PDEA detention facility habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Inamin ni Quijano, nagawa lamang niyang maging drug mule dahil sa pangangailangan nito ng pera.

Nabatid na maraming beses nang pabalik-balik sa bansa si Quijano at ngayon lamang natiyempuhan na maaresto.

Nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang PDEA para mabatid kung sino-sino ang mga kasabwat nito sa bansa. (Dolly B. Cabreza/With trainee Bridgette Caminoc)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?