120

Dec 2, 2017 @ 16:21
By

College stude timbog sa P2.5-M shabu

Timbog ang isang Criminology student na umano’y big-time drug pusher matapos makumpiskahan ng P2.5 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency-Regional Office ARMM (PDEA-RO ARMM), Maguindanao.

Sa report kay PDEA Director General Aaron N. Aquino, ang suspek ay nakilalang si Raffy Hadjirol Osama, alyas Rex, 22-anyos, graduating Criminology student at residente ng Barangay Upper Capiton, Datu Odin Sinsuat, ng nasabing lalawigan.

Dakong alas-singko ng hapon kamakalawa ay nasorpresa ang suspek nang posasan ng mga operatiba PDEA-RO ARMM na pinamumunuan ni Director Juvenal B. Azurin at inasistehan ng 2nd Platoon Provincial Public Safety Company at local police ng Cotabato sa National Highway, Barangay Upper Capiton, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao, matapos na magbayaran sa ikinasang buy-bust operation.

Nakumpiska sa suspek ang 500 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P2.5 milyon, ang ginamit nitong blue Suzuki multicab, cellphone, at boodle money.

Ang nasabing Criminology student ay nakapiit ngayon sa detention cell ng PDEA-RO ARMM matapos na sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs), and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II of RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?