557

Jul 17, 2019 @ 17:24
By

College graduate ilibre na sa professional exam – Lapid

Itinutulak ni Senador Manuel “Lito” Lapid ang isang panukala na naglalayong ilibre na sa professional examination fee ang mga mahihirap na gradweyt sa kolehiyo.

Ayon kay Lapid, dagdag na pabigat umano sa pamilya ng mga nagsipagtapos kung maglalaan na naman sila ng pera para lamang makasama sa mga kukuha ng licensure o professional examination.

“Maaring ito ay maliit na halaga lamang para sa iba, ngunit sa mga estudyanteng galing sa mahihirap na pamilya na nakatapos ng pag-aaral sa pamamagitan ng scholarships o di kaya naman ay nagtapos sa ating mga state universities and colleges kung saan libre na ang edukasyon, ito ay napakalaking bagay na,” paliwanag ni Lapid.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 276 o Free Professional Examinations Act, ang mga kuwalipikado lamang para malibre sa pagbabayad ng professional examination fee ay mga gradweyt na ang pamilya’y maliit lamang ang kita at sapat lamang para matustusan ang pangunahing pangangailangan.

Ang Department of Social Welfare and Development ang magsasala ng mga aplikante para malibre sa board exam.

Kabilang dito ang licensure examination na pinamamahalaan ng Professional Regulations Commission, eligibility examination ng Civil Service Commission, gayundin ang bar examination na sinasagawa ng Supreme Court.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?