88
strike-revilla
Jul 29, 2018 @ 13:51
By

Code of Crimes

Alam ba ninyo na ang umiiral na batas natin laban sa krimen ay halos 100-taong gulang na? Ang Revised Penal Code (RPC), ang pangunahing basehan ng ating Criminal Law, ay naisabatas noong 1932 sa ilalim ng Insular Government na pinatatakbo pa ng Amerika.

Binuo ito sa pamamagitan ng pagtatagpi-tagpi ng batas mula sa mga Kastila at Amerikano.

Habang nakalista pa rin sa RPC ang mga krimeng “challenging to a duel”, ang “qualified theft of coconuts”, at iba pang mga hindi na angkop na probisyon, napakababa naman ng mga parusa sa mga matitinding krimen, at minsan, may mga krimen na wala pang kaparusahan. Sa kasalukyang sistema, halo-halo rin ang mga klase ng parusa na marami ay halaw pa sa panahon ng kastila – tulad ng destierro, at mga denominasyon na arresto menor; arresto mayor; prision coreccional; prision mayor; reclusion temporal; at reclusion perpetua.

Para pilit na makasabay sa nagbabagong panahon, lagi tayong humahabol sa pagsasabatas nang paisa-isa, na paglaon nga’y nakadagdag sa kaguluhan at parang chop suey na criminal law.

Kamakailan, tinalakay ng House Committee on Justice, kung saan ako po ay Vice Chairman, ang House Bill 6204 na naglalayong i-repeal ang kasalukuyang RPC at palitan ito ng Philippine Code of Crimes.

Sa ilalim ng panukala, nais nating magkaroon ng isang moderno at simpleng Criminal Code na angkop sa Pilipinas at nauunawaan ng lahat.

Hindi na ito para sa mga abogado lang, kundi kumikilala rin sa iba’t ibang larangan tulad ng medisina, forensics, psychology at sociology. Kailangan ito para wala nang kaguluhan sa interpretasyon at para mapadali ang compliance o pagsunod.

Hangarin din natin i-harmonize at pagsama-samahin ang lahat ng penal laws sa Pilipinas upang maging tunay na tugma ang mga parusa sa mga krimen. Hindi na lamang ito update ng kasalukuyang RPC, kundi isang bagong batas na magbibigay buhay sa aspirasyon nating mga filipino na magkaroon ng maayos na hustisya.

Kasama nating kinukunsidera ang international best practices, kaakibat ng mga makabagong pananaw na magdudulot ng panibagong sigla hindi lamang sa sistema, kundi pati sa mga manggagawa natin sa justice sector.

Napakatagal nang panahon ang hinintay para tuluyang maisayos ang sektor ng lipunan nating ito. Isa lamang ito sa malawakang reporma na kinakailangan isagawa para sa pagbabagong kailangan sa ating bansa. Ilang kongreso na rin ang dumaan para ito ay pag-usapan. Sa tulong at suporta ng bawat Filipino, sa pagkakataong ito ay magbunga nawa ang ating pagsisikap.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?