54

Dec 7, 2017 @ 14:50
By

Coal tax na itinulak ng Senado, haharangin ng Kamara

Hindi palulusutin ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang coal tax sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) bill ng administrasyong Duterte.

Tiniyak ni Speaker Pantaleon Alvarez na ibabasura ng House panel sa bicameral conference committee ang coal tax dahil sa bigat ng epekto nito.

“Hindi po namin papayagan yan; definitely hindi,” ayon kay Alvarez.

Sa bersiyon ng senado sa TRAIN, 3,000 percent ang itinaas sa coal tax na hahatiin sa tatlong bagsak ang pagpapataw sa loob ng tatlong taon hanggang 2020.

Mangangahulugan ito na ang kasalukuyang P10 excise tax sa coal ay magiging P100 sa 2018, aakyat sa P200 sa 1019 at tataas pa sa P300 sa 2020.

Ayon kay Alvarez, siguradong magpapataas ng singil sa kuryente ang coal tax at lalo itong magpapahirap sa publiko.

Ang Pilipinas na aniya ang may pinakamataas na singil sa kuryente sa Asya ngayon na isa sa dahilan kung bakit ilag ang maraming dayuhang negosyente na mamuhunan sa bansa.

Sabi pa ng Speaker, hindi naman ang power utilities ang papasan ng coal tax dahil siguradong ipapasa lamang ito sa consumers.

“Let us look at this objectively from the point of view of the consumers. Dahil pagka-halimbawa pinatawan mo ng additional taxes itong coal powered plants, yung industry players maaaring hindi magre-reklamo yan kasi ipa-pass on lang yan doon sa consumers,” paliwanag ni Alvarez.

Sinita naman ni Alvarez ang pagsingit ng mga senador ng coal tax sa TRAIN gayung ang nakasaad sa batas ay sa Kamara lamang magmumula ang anumang tax measure.

“Malinaw na malinaw na ibinigay ito ng ating Saligang Batas. At ang Senado nakalagay lang doon ‘may propose amendments or concur’ di ba? They can propose amendments kung papayag kami,” diin ng Speaker. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?