88

Jun 21, 2020 @ 21:18

COA duda sa P121B benefit claim ng PhilHealth

Nagpahayag nang pagdududa ang Commission on Audit (COA) sa P121.04 bilyong benefit claim na binayaran umano ng Philippine Health Insurance Corporation ( PhilHealth ) noong 2018 dahil sa matagal na pagbibigay ng access sa mga auditor para tignan ang mga transactions nito.

Hindi nagbigay ng opinion si COA supervising auditor Reynaldo Darang sa 2018 COA report ng Philhealth dahil hindi nito ma-check ang P121-bilyong benefit claims.

“The faithful representation of the benefit claims expenses account totalling P121.041 billion for Calendar Year 2018 was not established due to the delay in the grant of full acess to PhilHealth New Claims System which precluded the audit team to conduct substantive testing,” sabi ni Darang.

Dahil dito, hindi nasuri ng COA ang P62.693 bilyong halaga ng transactions para sa lahat ng klase ng mga kaso, katumbas ito ng 52% ng mga total benefit claims expenses.

Dagdag pa ni Darang, kadudaduda din kung totoo ngang P53.8 bilyon ang iniremit ng mga accredited collecting agents ng Philhealth dahil P1.67 bilyon ang pagkakaiba ng report ng collecting agents at ng treasury department ng PhilHealth.

Ayon sa COA, P53.796 bilyon ang inulat na collection ng mga collecting agents samantalang P55.463 bilyon naman ang inireport ng treasury department ng Philhealth at walang nagmomonitor at nananagot sa resibo ng Philhealth agents kaya kadudaduda ang inireport na premium contributions noon 2018 na umaabot sa P132.5 bilyon.

Ang Philhealth Agent Receipts ay pinamamahagi sa 7,468 na collecting agents sa buong bansa at damay sa pagsusuri nito ang mga cash, interest income, at mga multang pinapataw ng Philhealth.

Sabi ni Darang, hindi rin mawari ang katotohanan sa likod ng P722.913 milyong benefit claims noong taong iyon ng regional office na sakop ang National Capital Region at Rizal. Ayon sa COA, may P722.913 milyon benefit claims na hindi pa bayad at ang balanse na P47.773 bilyon dahil hindi tugma ang general ledger at subsidiary ledgers ng Philhealth.

Dagdag pa ng COA, hindi nakalagay sa subsidiary ledger ang pangalan ng mga ospital o healthcare institutions at members, pati na kung magkano ang dapat bayaran sa bawat kanila at kung kailan nangyari ang transaksyon.

Kamakailan lang, may mga ulat na maraming mga opisyal ng Philhealth ang nakatikim ng promotion, kasama na ang mga opisyal nito sa NCR office kasama na ang mga taong sangkot sa dialysis scam. (Eileen Mencias)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?