42

COA chairman ‘di minasama ang banat ng Pangulo

Hindi minasama bagkus ay tinawanan lamang ni Commission on Audit (COA) Chairman Michael Aguinaldo ang banat sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo matapos makausap ang opisyal sa isang dinner sa Greenhills, San Juan City.

Ayon sa kalihim, batid aniya ni Aguinaldo na nagbibiro lamang ang Pangulo kaya walang dahilan para magbalat-sibuyas.

Maski aniya sa naging pahayag ni Pangulong Duterte na ihuhulog niya sa hagdan ang mga taga-COA noong panahon ng bagyong Ompong, sinabihan ni Aguinaldo ang kaniyang mga tauhan na lumayo sa hagdan.

“Iyong mismong binabanatan niya ay naiintindihan siya. Iyong mga nagre-react — dapat ang nag-react iyong binanatan niya ‘di ba; iyon ang problema sa kanila, they are more Popish than the Pope,” ani Panelo.

Pinuri ng kalihim ang COA Commissioner dahil alam nito kung paano intindihin ang mensaheng nais ipahatid ng Pangulo sa pamamagitan ng kaniyang mga talumpati.

“Iyon ang mga dapat na attitude, hindi iyong nagpapakuwela lang eh banat na kaagad. Ang ko-corny niyo,” dagdag pa ni Panelo.

Matatandaang sa isang talumpati ng Pangulo ay inihayag nitong kidnapin at i-torture ang mga taga-COA dahil sa sobrang paghihigpit ay nakokompromiso ang ilang mga programa ng pamahalaan. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?