25

Jul 15, 2021 @ 19:39
By

CLLEX Phase 1 pinasinayaan ni Duterte

Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng isang bahagi Central Luzon Link Expressway o CLLEX na magdudugtong sa Tarlac City at Cabanatuan City, partikular ang Tarlac Interchange Aliaga Section sa Tarlac.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng pangulo na sa sandaling makumpleto ang 30 kilometrong four-lane expressway ay magiging 20 minuto na lamang ang biyahe ng mga motorista mula sa Tarlac at Nueva Ecija mula sa 70 minutong biyahe.

Ang phase 1 ng proyekto na pinasinayaan ng pangulo ay 18 kilometer portion na isa sa flagship project ng gobyerno sa ilalim ng Build,Build,Build program.

“As we inaugurate this 18 kilometer portion of phase 1 of the Central Luzon Link Expressway or CLLEX, this will not only connect Tarlac City and Cavanatuan City but also improve access to several localities in Tarlac and Nueva Ecija,” anang pangulo.

Inaasahan aniyang mas maraming mga biyahero ang mapapabilis ang biyahe at magkaroon ng sapat na panahon sa kanilang pamilya sa paggamit ng bagong expressway.

Sinabi ni Pangulong Duterte na mapapabilis na rin ang pagbiyahe ng mga produkto mula sa mga lalawigan patungong Metro Manila

“This project will improve movements of goods going to and from Metro Manila and Central Luzon, which will be beneficial to entrepreneurs, consumers and the economy,” dagdag ng pangulo.

Pinasalamatan ni Pangulong Duterte ang gobyerno ng Japan sa pagpondo sa proyekto at pagsuporta sa national infrastructure program ng pamahalaan.

Labing dalawang bilyong piso ang ibinigay na pondo ng Japan sa proyekto sa ilalim ng Japan International Cooperation Agency o JICA.

Pinapurihan ni Pangulong Duterte ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mabilis, episyente at nasa takdang panahon na pagkumpleto sa proyekto .

Tiniyak ng presidente sa publiko na transparent ang gobyerno sa lahat ng mga ginagawang proyekto at mananatili aniya ang adhikain ng kanyang administrasyon na tuparin ang pangakong mas komportableng buhay para sa mga Pilipino.

“To our kababayans, be assured that this administration will remain committed in fulfilling its mission of providing a more comfortable life for all Filipinos, and this assurance includes the effective, efficient, safe and timely completion of major infrastructure and transportation-related developments,” wika ng pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?