504

By

Clerk ng Taytay City Hall, pinatay sa haybol

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang clerk ng Taytay Rizal City Hall sa loob ng inuupahan nitong unit sa Quezon City.

Sa inisyal na report kay P/Insp. Nick Fontanilla, ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, nakilala ang biktima na si Salvador Mendoza Alcantara, 53, walang asawa, at residente ng No. 97 14th Avenue, Brgy. Socorro, Murphy, Cubao.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Anthony Tejereros ng CIDU, natagpuan na duguan at may pitong saksak ng kutsilyo sa katawan ang biktima sa kanyang silid sa Room 2F dakong alas-9:30 ng umaga (January 20).

Ayon sa pahayag ng pamangkin ng biktima na si Val Benedict Gonzales, matagal na umanong solong naninirahan sa nasabing address ang kanyang tiyuhin.

Aniya, dahil hindi niya makontak ang kanyang tiyuhin ay minabuti na niyang puntahan ito sa inuupahang unit subalit naka-locked umano ang main door nito.

Dahil dito ay puwersahang binuksan ni Gonzales ang pintuan at nang makapasok ay bumungad sa kanya ang mga bakas ng dugo sa dingding ng living room.

Agad umano niyang inikot ang loob ng unit ng kanyang tiyuhin at nakita niya ito na duguang nakahandusay sa kusina at wala nang buhay.

Sinabi naman ng mga kapitbahay, huling nakitang buhay ang biktima nitong January 19, dakong alas-dos ng madaling-araw na may kasamang isang lalaki at sabay na pumasok sa inuupahan niyang unit.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng kasamang lalaki ni Alcantara na posibleng may kinalaman sa naganap na krimen.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?