103

Nov 8, 2017 @ 16:08
By

Clearing operations sa Malacañang compound para sa ASEAN

Hindi nakaligtas ang mga establisyimento sa loob ng Malacañang compound nang magsagawa ng clearing operations ang pinagsanib na puwersa ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB).

Iba’t ibang mga istante ng mga paninda, mga nakatambak na gamit at kung ano-ano pa ang tinanggal sa bangketa. Pati ang mga tarpaulin na nakasabit sa labas ng tindahan ng mga canteen ay binaklas din.

Paliwanag ni MMDA Chairman Danilo Lim, ang aksiyon ay alinsunod sa hiling sa kanila ng Presidential Security Group na i-clear ang mga sagabal sa mga kalye papasok at palabas ng Malacañang bilang paghahanda na rin sa ASEAN Summit.

Hindi naman nakapalag ang mga may-ari ng tindahan matapos tanggalin ang mga istruktura sa labas ng kanilang tindahan na nasa bangketa na.

Pati ang barangay hall sa Malacañang complex ay pinaggigiba rin ng MMDA dahil sinaklawan na pati ang ‘right of way’ ng mga pedestrian.

Sinabi naman ni Lim na papatawan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng sanction ang mga kapitan ng barangay na hindi tatalima sa kautusan ng MMDA.

Nilinaw din ng MMDA na hindi lamang mga sagabal sa bangketa ang kanilang puntirya sa clearing operations kundi maging ang mga iligal na nakaparadang sasakyan.

Sa panig naman ng lokal na pamahalaan ng Maynila, sinabi ni MTPB Chief Operations Dennis Ibona na suspendido muna ang lahat ng mga parking permit sa mga pangunahing kalsada sa Maynila habang idinaraos ang ASEAN Summit.

Ito ay upang maiwasan ang sagabal sa daraanan ng mga delegado ng nabanggit na pagtitipon. (Ricklove Villanueva)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?