272

Nov 29, 2017 @ 20:07
By

Clearing operations ng MMDA sa Baclaran, nabalot ng tensiyon

Ilang minutong nabalot ng tensyon ang isinagawang clearing operations sa bahagi ng Taft Avenue sa Baclaran nang makipagsagutan ang isang padyak boy sa isang opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) kahapon ng umaga.

Nag-ugat ang pagtatalo nang balikan at sorpresahin ng mga taga-MMDA sa pamumuno ni Bong Nebrija ang mga nakapilang padyak boys sa Taft Avenue.

Agad na hinarangan ng mga tauhan ng MMDA ang mga pedicab upang hindi na muling makatakas at isang padyak boy ang lumapit kay Nebrija at ikinatuwiran na kalalabas lang niya.

Sa pagtatalo ng dalawa, nangatuwiran ang pedicab driver na wala na siyang paraan para buhayin ang kanyang pamilya at nagparinig pa ito na manghoholdap na lang siya.

Ngunit ayon kay Nebrija binalikan nila ang lugar dahil nagawa ng mga padyak boys na maagaw ang nakumpiska na nilang anim na pedicab at pinagbantaan pa ang kanyang mga tauhan.

“Binastos ako, kinuyog at tinakot ang mga bata ko. Batas lang naman ang ipinatutupad natin dito,” giit ni Nebrija.

Maging ang mga vendor na itinaboy nila mula sa gilid ng Baclaran Church ay nagsibalikan lang din muli nang makaalis ang mga taga-MMDA. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?