11
abante-tnt-vismin-clean-up-drive
By

Clean-up drive kontra dengue, paigtingin na – Binay

Sharing is caring!

Pinagsabihan ni Senadora Nancy Binay ang Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at mga local government unit (LGU) na sipagan na ang mga information at clean-up drive upang maabatan ang paglaganap ng sakit na dengue.

Dumoble umano ang dami ng nagkasakit nito sa ilang lugar sa pagpasok ng 2018, partikular sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Pinangangambahan ang higit pang paglaganap nito dahil tag-ulan na at malamang ang mga pagbaha.

Umano’y kumakalat ang dengue dahil sa maruming paligid at maling paraan ng pagtatapon ng basura.

Ayon kay Binay, kailangang paigtingin ang paglilinis sa mga bahay at sa mga paaralan ngayong balik-eskuwela na ang mga estudyante.

“Nakakabahala po na almost close to 100% ang itinaas ng dengue fever cases sa Cordillera mula Enero hanggang Mayo ng taong ito, according to the DOH. Pagtulungan po ng health at education departments ang pagpapakalat ng tama at napapanahong impormasyon upang ma-educate ang lahat tungkol sa dengue at kung paano maiiwasan ito, lalo na sa mga paaralan,” pahayag ni Binay.

Sa ulat ng Department of Health-Cordillera (DOH-CAR), dumoble sa pagpasok ng 2018 ang bilang ng nagkaroon ng dengue sa Kalinga, Benguet, Baguio City, Apayao, Abra, Ifugao at Mountain Province.

“Mas maraming puwedeng makagat ang dengue fever carrying mosquitoes sa mga paaralan kaya’t pagtuunan po natin ng pansin ang kalinisan nito, kaya i-check po natin ang posibleng breeding ground ng mga lamok tulad ng ‘di dumadaloy na tubig,” pahayag ni Binay.

“Meron pong “4S” prevention measures ang DOH laban sa dengue fever. Pagtuunan po sana natin ng pansin ang mga prevention measures dahil mas mura ito, kumpara sa gamutan pag meron nang sakit,” dagdag nito.

Noong 2017, batay sa talaan ng DOH at World Health Organization, 732 ang namatay sa bansa dahil sa dengue noong Enero 1 hanggang Disyembre 2.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?