24

By

CJ Cansino itinadhana para maging ‘tigre’

Sharing is caring!

Karaniwan sa mga basketball player ay pinangarap na maging isang sikat na manlalaro dahil sa magulang na naglalaro ng basketball, ngunit iba si CJ Cansino.

Inamin niya na natuto lamang siyang naglaro ng basketball noong siya ay walong taong gulang. May maliit na basketball court na malapit sa bahay nila sa Valenzuela City pero hindi siya naglaro ng competitive basketball hanggang tumungtong siya noong third year high school.

“Hindi talaga ako nakakalaro ng as in larong basketball kasi first year [to] second year [high school] ata masyado akong maliit, mga 5’2 lang siguro ako nun. Nung third year to fourth year na ako, doon na ako lumaki kaya doon ako nakapasok din ng varsity tapos nagtuloy-tuloy na siya,” ani niya noong Enero.

Kinuha siya ng Mapua noong siya ay third year ngunit bumalik siya sa De La Salle Araneta University upang maglaro sa isang liga sa Malabon.

Pagkatapos niya ng junior high school, nag try-out siya sa Far Eastern University at sa University of Santo Tomas ngunit hindi siya natuloy para sa Tamaraws.

“Una, nag-tryout talaga ako sa FEU pero magulo lang talaga kaya hindi ako natuloy dun. ‘Yung daddy ko may kakilala siyang player tapos tinanong kung gusto ko ba daw mag-tryout dito (UST), parang walk-in na lang din kasi ako lang mag-isa nun. Tapos nagpra-practice yung team, tapos ‘yun nakuha ko nila sa team A,” dagdag niya.

Nakilala siya noong naiuwi niya ang UAAP Season 80 Junior’s Basketball MVP kaya naman ay hindi na nagaksaya ng panahon ang noong bagong pirma pa lang na si Aldin Ayo upang bakuran na si Cansino na maglaro para sa Tigers.

Ngayong unang taon niya sa seniors team ay siya ang may hawak ng pinakamataas na napuntos ng isang rookie sa unang laro simula noong 2003. Nagtala siya ng 20 puntos sa kanilang pagkatalo kontra National University Bulldogs noong Setyembre 8.

Sunod na makikita si Cansino at ang Growling Tigers sa laban nila kontra University of the Philippines sa Setyembre 16, sa FilOil Flying V Centre. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?