551

Feb 1, 2018 @ 14:19
By

Civil partnership bill, tinatalakay na sa Kamara

Sinimulan na ng House Committee on Women and Gender Equality ang deliberasyon sa panukala para kilalanin ang civil partnership.

Sa ilalim ng House Bill 6595, ang lahat ng benepisyo at proteksiyong ipinagkakaloob sa kasal ay mae-enjoy na rin ng civil partnership couples.

Gayundin ang mga batas sa mag-asawa, legal separation, pag-aampon, kustodiya at suporta sa bata at hatian ng ari-arian.

Sa kanyang sponsorship speech, binigyang-diin ng isa sa pangunahing may-akda ng panukala na si Bataan Rep. Geraldine Roman na hindi naman talaga kasal ang civil partnership.

Wala aniyang dahilan para katakutan ng mga Filipino ang civil partnership bill, kahit pa kilalang Katolikong bansa ang Pilipinas.

“It is simply being realistic, it is simply being democratic for us to recognize that there are some Filipinos who choose not to be married but are in stable, loving relationships. And they, too, as Filipinos, deserve the legal recognition and all of the rights and obligations that this recognition entails,” paliwanag ni Roman.

Sinegundahan ito ng isa pang may-akda ng bill na si Deputy Speaker Sharon Garin na nagsabing bagama’t merong standards ang religious beliefs, kailangan ding isulong ang equal protection ng lahat ng Filipino, babae man, lalaki o ibang kasarian.

“In this bill, we are not giving additional rights. We are just equalizing. If the church cannot protect them, it is more important for the State to protect them,” ani Garin.

Pero sa panig ni AGBIAG Partylist Rep. Michelle Antonio, susuportahan niya raw ito kung para lang sa Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender (LGBT) community.

“However, as for non-members of the LGBT community, this bill will be contrary to what our Constitution says and it seems unnecessary,” sabi ni Antonio.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?