137

Feb 26, 2020 @ 16:48
By

Cistern tank sagot sa problema sa baha sa Cainta

Inaasahang wala nang magiging problema sa pagbaha ngayon sa bayan ng Cainta, Rizal, matapos magpagawa ng cistern tank bilang paghahanda sa pagsapit ng tag-ulan.

Ayon kay Cainta, Rizal Mayor Kit Nieto, isang malaking cistern tank ang kanyang pinagawa na umano’y kahalintulad sa The Netherlands at Florida state na ginagamit para agarang masolusyunan ang matinding pagbaha sa bayan.

“Ang totoo, naririyan na ang mga cistern tanks. Ang mga tubi- baha ay iniimbak natin dito at kapag maganda na ang panahon, pinapaagos natin ito sa mga ilog,” paliwanag ni Nieto na kung saan ang bayan ng Cainta ay 90 porsiyentong nalulubog sa baha.

Pinaliwanag pa ng alkalde na ang mga pansamantalang water receptacle ay kasinlaki ng isang basketball court na may limang metro ang lalim.

Sa ngayon, nalutas ang 70 porsiyento ng problemang ito at sinabing magdaragdag pa siya sa iba’t ibang panig ng Cainta bago matapos ang kanyang termino.

“Ang natitirang problema na lang namin ay ang mga barangay na katabi ng mga creek kung saan umaapaw ang tubig mula sa Marikina, Antipolo at San Mateo,” dagdag ng alkalde.

Nabatid na balak pa ni Nieto na maglagay ng karagdagang 19 cistern tank sa kanyang natitirang dalawang taong panunungkulan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?