22

Oct 4, 2017 @ 15:22

Cimatu lusot na sa CA

Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments si Environment Secretary Roy Cimatu matapos ang ilang beses na pagkakabinbin ng kanyang nominasyon.

Sa kabila ito ng pagtatangka ng ilan na impluwensyahan ang kumite upang maharang ang kumpirmasyon kay Cimatu.

Ito ay nang ihayag ni Senador Joseph Victor Ejercito na ipinagpaliban ang desisyon sa nominasyon kay Cimatu noong Setyembre 27 dahil nais ni Cong. Ronaldo Zamora na maglagay ng Undersecretary sa DENR.

“Sec. Cimatu’s confirmation was held in abeyance by the CA last time. Info is that Cong. Ronny Zamora wanted to put a Usec in DENR,” saad ni Ejercito.

Nagpahayag din ng pagkadismaya si Ejercito sa pamamahala ni Zamora sa house contingent ng CA.

“Zamora being head of the house contingent affects the credibility of Commission on Appointments. Vested interest of mining and their business prevail,” dagdag ni Ejercito.

Sa pagkumpirma naman kay Cimatu, inihayag ni CA Committee on Enviroment Chairman Manny Pacquiao na nakuha ni Cimatu ang sapat na boto para sa pagtatalaga sa kanya sa ahensya.

Sa huling hearing kahapon, tinapos lamang ang pagtatanong ng ibang mga senador hinggil sa mga programa ni Cimatu sa ahensya.

Matatandaang nag-iisa lamang si Manuel Galvez na nagsilbing oppositor kay Cimatu subalit sa ikalawang hearing ay nag-withdraw na ito ng kanyang opposition. (Dang Samson-Garcia)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?