Inaresto ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Bacolod City dahil sa umano’y panghihingi ng protection money mula sa mga may-ari ng isang KTV bar.
Kinilala ng Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang suspek na si Maj. Melvin Madrona.
Nadakip si Madrona ng mga operatiba ng IMEG sa entrapment operation dakong alas-5:35 ng hapon noong Huwebes, Pebrero 27 sa isang sabungan sa bayan ng Mansilingan.
Tumanggap umano si Madrona ng P5,000 cash mula sa isang nagreklamo.
Naaresto rin ang kasama niyang si Jay-R Dela Cruz, na isa umanong “fighting cock handler”.
Ito’y matapos makatanggap ng reklamo ang IMEG na kumokolekta si Madrona ng P5,000 protection money kada linggo sa mga may-ari ng isang KTV bar para hindi umano nila ito salakayin.
Nasa kustodiya na ng PNP-IMEG sina Madrona at Dela Cruz at mahaharap sa kasong robbery-extortion.