68

Dec 26, 2017 @ 15:27

Christmas Day murder: Preso kinatay ng kapwa inmate

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang preso ang kapwa nito inmate sa loob ng Metro Bacolod District Jail-Special Intensive Care Area (MBDJ-SICA) sa Barangay Taculing, Bacolod City nitong Pasko ng madaling-araw.

Kinilala ni Sr. Insp. Larry Fuentes, warden ng MBDJ-SICA, ang napatay na si Jesus Diane, 46, ng Barangay Vista Alegre, Bacolod City.

Ayon kay Fuentes, nakarinig ng ingay ang duty jail officers sa isa sa mga selda bandang ala-1:30 ng madaling-araw ng Disyembre 25.

Nang pasukin nila ang selda ay nakabulagta na at duguan si Diane kung saan itinakbo pa ito sa ospital ngunit idineklarang patay na.

Dagdag pa ng warden, sinabi umano ng iba pang preso na si Randy Divino, 29, ng Barangay Estefania, ang pumatay kay Diane gamit ang kutsara na pinatalas para maging kutsilyo.

Bago ang krimen, nagkaroon umano ng pagtatalo sina Diane at Divino.

Dahil dito, hiniwalay muna si Divino sa iba pang inmates habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Nakasuhan na may kinalaman sa iligal na droga kaya nakulong si Diane habang robbery at carnapping naman si Divino.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?