29

Oct 24, 2017 @ 14:35

Christian Robert Lim itinalagang acting chair ng Comelec

Isang araw matapos ang napaagang pagbaba sa pwesto ng nagbitiw na si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista, may napili na ang mga Comelec Commissioner na pansamantalang mamumuno sa poll body.

Sa isinagawang regular en banc session ng Comelec kahapon (Martes), si Commissioner Christian Robert Lim ang napiling maging Officer-in-Charge ng poll body.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, si Lim ay ibinotong lahat ng kanyang limang kapwa commissioner para mamuno pansamantala ng Comelec.

Si Lim ang tumatayong most senior Comelec Commissioner.

Itinalaga siya ni Dating Pangulong Benigno Aquino III noong April 4, 2011, at ang kanyang termino at magtatapos sa February 2, 2018.

Si Lim ang naging punong tagapangasiwa ng computerized national elections noong nakaraang taon.

Nagtapos siya ng abugasya noong 1998 mula sa Ateneo de Manila University, at sa kaparehong taon ay kumuha ng bar examination.

Magsisilbing pinuno si Lim ng Comelec habang wala pang naitatalaga si Pangulong Rodrigo Duterte na kapalit ni Bautista sa pwesto. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?