44
Chris Tiu papapel sa SEAG
By

Chris Tiu papapel sa SEAG

Hindi nawala ang pagmamahal ni former Rain or Shine guard Chris Tiu sa mundo ng sports sa pamumuno nito sa Phisgoc Volunteer Program Team para sa paparating na 30th Southeast Asian Games.

Matatandaang pinamunuan din ni Tiu ang Sinag Pilipinas bilang team captain noong 2011 Southeast Asian Games sa Indonesia kung saan nasungkit ng koponan ang gintong medalya kontra Thailand kung kaya naman bilang suporta sa mga atletang Pinoy ay muling magsisilbi si Tiu bilang volunteer.

“Nilapitan ng Phisgoc management si Mr. Chris Tiu. Hindi naging mahirap ang usapan dahil naniwala si Chris sa programa ng volunteers at handa siyang tanggapin ang responsibilidad at pananagutan. Handa siyang maglaan ng oras at sariling kakayahan para pamunuan ang 12,000 volunteers na magiging bahagi ng 30th SEA games upang makatulong sa bayan,” saad ni Mae Casabar ng Phisgoc management.

Bilang Deputy Director, si Tiu ang mangangasiwa sa kabuuan ng Volunteers Program at tiniyak niya na magiging alinsunod sa kabuuang vision, misyon at layunin ng PHISGOC.

Kabilang din sa kanyang mga trabaho ay masigurong mahusay at maayos ang implementasyon ng mga programa mula sa pagkuha ng mga volunteer hanggang sa actual deployment ng mga ito.

“Bilang isang kilalang manlalaro at celebrity, malaking papel ang ginagampanan niya upang mahikayat ang boluntarismo, nasyonalismo, sportsmanship at pagkakaisa ng mga volunteer,” panapos ni Casabar.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?