64

Aug 10, 2019 @ 16:44
By

Chris Ross kay Terrence Jones: Kung pikon ka, sa iba ka maglaro

Finals Game 4 Linggo:
(Smart Araneta Coliseum)
6:35 pm – SMB vs. TNT
(KaTropa lead series 2-1)

Hindi mapigil si TNT import Terrence Jones kapag hawak ang bola sa loob ng court, sa ibang paraan siya dinadaan ng San Miguel Beermen.

Pinipisikal, iniinis, inaalaska.

Mind games.

Gumagana naman minsan ang taktika ng Beermen, napipikon din si Jones.

Gumanti pa nga, binigyan ng headbutt si Chris Ross sa first quarter. Napituhan si Jones ng flagrant foul 1 at naupo ng 3 minutes.

“It’s basketball. You gonna cry about that?” salo ni Ross. “We’re not playing dirty, no one’s playing dirty. They’re gonna cry about people playing mind games? Oh, man, grow up.”

Bago natapos ang third quarter, nagbuhol ang mga braso nina Jones at Christian Standhardinger habang nagpupuwestuhan sa rebound.

Hindi makalas sa pagkakabuhol ang mga braso, binaltak ni Standhardinger ang kanan ni Jones.

Kung ayaw daw ng nakakanti o napipikon, mabuting maghanap na lang ng ibang paglalaruan.

“If you’re not mentally strong enough to play in a game like this, then go play somewhere else,” litanya pa ni Ross. “If they cry about playing mind games, they need to check themselves.”

Pumabor pa nga raw sa TNT ang pagrereklamo.

“I guess it worked today ‘coz they got 50 free throws,” anang Fil-Am guard. “If that’s how they wanna do it, tell ‘em to keep crying to the PBA ‘coz I know that’s what they did.”

Naka-45 na biyahe sa stripe ang TNT, 30 ang pumasok. Ang SMB ay nabigyan ng 28 free throws, 21 ang nai-convert.

Muntik pa ring tumapos si Jones ng triple-double sa kinamadang 37 points, 18 rebounds at 9 assists, may 5 blocks pa. Naka-23 free throw attempts siya, 14 ang naipasok.

Asahan ang mas matindi pang mind games sa series. Nasa unahan ng best-of-seven ang TNT 2-1, balik ng Big Dome ang magkatunggali para sa Game 4 mamaya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?