37

Sep 1, 2020 @ 16:35
By

CHR sisilipin ang umano’y pagpakain ng ebak sa Aeta ng mga sundalo

Magkakasa ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) sa ilang report na pinakain umano ng mga sundalo ang miyembro ng mga katutubong Aeta ng dumi ng tao.

Ito’y kasunod ng mga paratang sa mga miyembro ng 7th Infantry Division (7ID) ng Philippine Army kung saan minaltrato umano ang mga katutubo sa San Marcelino, Zambales.

“The Commission for its part, in conjunction with the ongoing military investigation, will be conducting its own separate investigation through its regional office to ensure impartiality and attain the truth in these allegations,” ayon kay CHR spokesperson Jacqueline Ann de Guia.

Depensa naman ng 7ID Public Affairs Office chief Major Amado Gutierrez, hindi umano inabuso ang mga naaresto sa naging bakbakan sa pagitan ng hinihinalang miyembro ng New People’s Army at mga sundalo sa Barangay Buhawen sa naturang bayan.

Kinontra din nito ang mga alegasyon na pinakain ng dumi ang umano’y mga katutubo, at sa katunayan pa ay dinala aniya ang mga naaresto sa doktor.

Siniguro naman ni Gutierrez na sakali mang mapatunayan na may pagmamaltrato sa mga Aeta ay kanilang paparusahan ang mga sangkot dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?