208
chr1
Jul 5, 2018 @ 18:34
By

CHR, mag-iimbestiga sa ‘strip search’ sa Makati Police

Nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang Commission on Human Rights (CHR) kaugnay sa pagpapahubad ng isang babae sa gitna ng diumano’y anti-drug seminar/workshop ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati Police.

Nagtungo na ang mga abogado at personnel ng CHR sa Makati Police Headquarters ngayong hapon.

Kinausap na nila si alyas Andrea, ang babaeng nakita sa viral video na nakahubad at nakitang tumuwad at nagpakita ng ari sa mga lalaking pulis na nagtawanan habang hawak siya ng isang policewoman.

Nakipagpulong na rin ang mga opisyal at tauhan ng CHR sa pamunuan ng Makati Police.

Nakaharap ng mga taga-CHR nang iprisinta si alyas Andrea sa media nina SPD Director Chief Supt. Tomas Apolinario at Makati Police chief Sr. Supt. Rogelio Simon.

Ayon kay Apolinario, sibak na sa puwesto at nakatalaga ngayon sa Regional Holding Unit ng SPD habang iniimbestigahan sina P/Sr. Insp. Valmark Funelas, dating hepe ng Makati SDEU; PO1 Stephanie Limhap; PO1 Heizelle Maramag, at PO1 Francis India.

Sa harap ng media, inamin ni Funelas ang pagkakamali, humingi ng tawad at nangakong magbabayad sa kanilang kasalanan.

Pero kahit humingi ng tawad si Funelas at ang mga kasamahan, tuloy ang imbestigasyon at maaari umanong masampahan ng mga kasong administratibo bukod sa kasong kriminal para sa paglabag sa Violence Against Women and Children Act.

Binigyang-diin ni Apolinario na hindi kukunsintihin ang mga pulis.

Nilinaw din na hindi kasama sa kanilang patakaran ang pagpapahubad sa babae o lalaki para lang ipakita ang tamang paraan ng pagsusuri sa katawan na paghihinalaan na siniksikan ng droga.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?