327

Mar 25, 2020 @ 7:49
By

Chloroquine, 68 pang gamot sa malaria susubukan vs. COVID-19

Nakaabang na ang mga doktor sa resulta ng testing sa gamot na Hydroxychloroquine o Chloroquine na sinubukan ng ilang scientist sa New York na gamitin sa ilang pasyente na nasa malubhang kondisyon dahil sa COVID-19.

Sa imbestigasyon ng mga scientist, 26 ng 29 genes ng coronavirus ay gumagawa ng viral proteins na siyang kumokuntamina sa host cell sa katawan ng tao.

Natuklasan ng mga researcher na tinatarget ng coronavirus ang mahigit sa 300 human proteins.

Bukod sa Chloroquine na ginagamit sa sakit na malaria, 68 pang gamot na dati nang aprubado ng US Food and Drug Adminstrasyon ang susubukan din ng mga eksperto para labanan ang coronavirus.

Kabilang na dito ang gamot sa iba pang sakit, tulad ng haloperidol na gamot sa schizophrenia at metforim na gamot naman para sa diabetes.

Bagama’t naging positive ang resulta ng gamot na Chloroquine sa ilang pasyente na tinamaan ng coronavirus, hindi pa rin sigurado kung papayagan ng FDA na gamitin itong gamot para sa naturang sakit.

Ayon kay biologist Nevan Krogan ng University of California na isa sa mga nangunguna sa pag-aaral ng COVID-19, posibleng maraming toxic side effect ang Chloroquine dahil kabilang daw sa tinatarget ng gamot na ito ang human cellular proteins.

Ganito rin ang babala ni US National Institute of Allergy and Infectious Diseases Director Dr. Anthony Fauci.

Dapat daw pag-aralang mabuti ang epekto nito sa katawan ng tao para masiguro na magiging ligtas itong gamot panlaban sa coronavirus.

Inaasahang ilalabas ng Center for Disease control ang resulta ng testing sa Chloroquine ngayong linggo.

Samantala, nasa mahigit na sa 43,000 katao ang nahawa ng COVID-19 sa buong Estados Unidos kung saan halos 600 na katao na ang naitatalang patay.

Sa New York ang may pinakamaraming naitatalang namamatay, na nasa mahigit 150 na habang nasa mahigit 20,000 katao naman ang naitalang kaso.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?