215

Nov 17, 2021 @ 17:33
By

Chiz: Substitution, withdrawal sa eleksyon tanggalin

Isinusulong ni Sorsogon Gov. Chiz Escudero ang pag-amyenda sa Omnibus Election Code para maisaayos ang isang probisyon dito ukol sa “withdrawal” at “substitution” ng mga kandidato.

Ginawa ni Escudero ang pahayag makaraan ang kaguluhan sa pag-atras ng mga placeholder at pagpalit sa kanila ng mga kandidato bago ang nakatakdang deadline nito noong November 15.

“Maliban sa pagbabawal sa voluntary withdrawal/ substitution, dapat balik na lang tayo sa dating panuntunan na hindi na puwedeng palitan kung sino ang nag-file ng COC (certificate of candidacy),” anang beteranong mambabatas. “Mas rasonable at mas rasyonal ito kaysa sa nangyari noong ‘last day of filing.’”

Sabi ni Escudero, nabalewala ang October 8 deadline sa paghahain ng COC para sa 2022 elections dahil sa panuntunan sa ilalim ng Omnibus Election Code kung saan pinapayagan ang “substitution of candidates.”

Bukod diyan, nasasalaula rin dahil dito ang pagiging sagrado ng halalan, pagbibigay-diin niya.

Pinahihintulutan sa ilalim ng Omnibus Election Code ang “substitution of candidates” kung namatay, na-disqualify o nag-withdraw ang mga indibiduwal na nagnanais kumandidato subalit nung panahon ng paghahain ng COC, ibinunyag mismo ng aspirante at partido na tumatakbo o may pinatatakbo sila bilang “placeholders.”

“Ang paghahain ng COC ay dapat ituring na isang sakripisyo sa layong mapaglingkuran ang mga mamamayang Pilipino at hindi upang gamitin lang ng sinumang tao o grupo para lusutan ang proseso,” ani Escudero.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?